Umapela na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na bigyang-pansin din ang paglilinis sa Laguna Lake.
Kasunod ito ng ginawang pulong sa pagitan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) kasama ang Philippine-Hungary Joint Commission for Economic Cooperation at Department of Trade and Industry (DTI).
Sa ginanap na pulong ay inilatag ang proposed Laguna Lake rehabilitation projects kasama na ang paglalaan ng compact water treatment units para sa disaster relief operations.
Bagama’t nauunawaan na may pandemya pa ring kinakaharap, binigyang-diin ni Cayetano na long-overdue na ang rehabilitasyon ng Laguna Lake.
Katunayan aniya, 2016 SONA pa lamang ni Pangulong Duterte ay binanggit na nito ang economic potential ng lawa kaya dapat lang madaliin ang rehabilitasyon nito.
Punto pa nito na bilang pinakamalaking lawa sa buong bansa, makatutulong ang Laguna Lake sa power generation at flood control sa Calabarzon Region.
Kailangan lamang aniyang taasan ang holding capacity ng lawa para sa tubig ulan at pagbaha upang maiwasan na ang pagbaha sa mga komunidad sa palibot ng lawa.
Dagdag pa ni Cayetano, bukod sa flood mitigation and control ay magdudulot din ng long-term benefits ang rehabilitasyon ng Laguna Lake sa fish production at eco-tourism.