Rehabilitasyon ng Marawi, inaasahang mapapabilis na ayon sa isang kongresista

Sisikaping matapos sa lalong madaling panahon ang rehabilitasyon sa Marawi City alinsunod sa direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Inihayag ito ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong kasunod ng site inspection at public consultation na isinagawa ng pinamumunuan niyang House Committee on Marawi Rehabilitation.

Kabilang sa binisita ng mga mambabatas ang temporary and permanent shelters, ang inirekomendang Bulk Water System, mga nasirang istraktura sa giyera sa mga pinakaapektadong lugar sa lungsod, Golden Mosque, at Rizal Park and Freedom Park ng Marawi.


Layunin sa pagdalaw ng mga mambabatas sa lungsod na makita ang kalagayan ng kinakaharap ng mga bakwit o internally displaced persons (IDPs) at ang pangangailangan upang maisakatuparan agad ang pagsasaayos sa lungsod.

Kaugnay nito ay pinapasumite ng komite sa National Housing Authority ang detalyadong report sa pagkakaroon ng sapat na pansamantala at permanenteng pabahay ng IDPs.

Pinapatiyak din ng komite sa LASURECO na maibabalik na ang suplay ng kuryente sa Marawi City.

Facebook Comments