Manila, Philippines – Ngayong kumpirmado na ng pamahalaan ang pagpatay sa mga lider ng teroristang grupo na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon, hinikayat naman ng isang kongresista ang agad na rehabilitasyon sa Marawi City.
Ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano, dapat na masimulan na ang pagbangon ng Marawi para maibalik na sa normal ang buhay ng mga residente doon.
Pero nag-paalala si Alejano na kasabay ng rehabilitasyon sa Marawi ay dapat na isa-alang-alang at tugunan ng gobyerno ang mga ugat ng terorismo partikular sa Mindanao upang hindi na maulit ang gyera.
Hindi aniya matatapalan ng mga itatayong imprastraktura at pangkabuhayan ang sugat na iniwan ng gyera kaya dapat na matiyak na hindi na ito mauulit sa mga susunod na panahon.
Kasabay nito ay pinuri ni Alejano ang tagumpay ng AFP laban sa terorismo.
Sinasaluduhan at pinasasalamatan ng kongresista na dating sundalo sina National Defense Sec. Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año at ang mga opisyal at sundalo sa Marawi dahil sa pag-aalay ng buhay at serbisyo matapos lamang ang krisis.