Naniniwala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang isinasagawang rehabilitasyon sa mga komunidad na napinsala ng mga nagdaang bagyo ay dapat sabayan ng pagtatanim ng mga puno o muling pangangalaga sa kagubatan.
Ito ang nakitang paraan ng ahensya para maiwasan muli ang malawakang pagbaha tulad ng nangyari sa Cagayan Valley kasunod ng hagupit ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, dapat resolbahin ang pagkakalbo ng mga kagubatan lalo na sa mga kabundukan.
Hindi lamang dapat iprayoridad ang pagtatayo ng mga imprastraktura, mainam na magkaroon ng urban planning at reforestation.
Kaugnay nito, matatandaang binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Build Back Better Task Force” na layong pabilisin ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng mga bagyo lalo na sa Luzon.
Sinabi ni Villar, nakikipagtulungan ang task force sa mga Local Government Units (LGU) para sa maayos na komunikasyon.
Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang decision-making process.
Sa ilalim ng Executive Order 120, ang task force ang magsisilbing overall body para matiyak ang whole-of-government implementation at monitoring ng post-disaster recovery at rehabilitation efforts.