Hinimok ni Committee on Appropriations Vice Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas ang mga kasamahang kongresista na bigyan ng pondo para sa rehabilitasyon ang mga lugar na hinagupit ng Bagyong Rolly at Ulysses.
Ayon kay Vargas, hihilingin niya na maisama sa ₱4.5 trillion 2021 national budget ang pondo para sa rehabilitation sa mga lalawigan at mga syudad na matinding sinalanta ng magkakasunod na mga bagyo.
Samantala, welcome naman para sa kongresista ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa binuong task force para sa rehabilitation efforts na alisin ang red tape o pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng tulong ng pamahalaan para sa mga biktima ng bagyo.
Giit ni Vargas, mahalaga ang oras kapag may kalamidad kaya naman dapat ay mabilis na naihahatid ang government assistance sa mga biktima upang mapadali rin ang kanilang pagbangon sa buhay.
Naniniwala rin ang Kongresista na mapapabilis ang recovery at rehabilitation sa mga typhoon hit areas dahil ang binuong blueprint na “mini-Marshall Plan” ay tugon para sa long-term needs ng mga apektadong komunidad tulad ng pabahay, relokasyon, agrikultura at trabaho.