
Cauayan City — Humiling ang Department of Education (DepEd)-Cagayan ng agarang pondo mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara para sa pagsasaayos ng mga paaralang nasira dahil sa pananalasa ng Bagyong Nando.
Ayon kay Schools Division Superintendent Reynante Caliguiran, nakita mismo ng Pangulo ang lawak ng pinsala sa kanilang pagbisita sa lalawigan kaya’t umaasa sila na agad itong matutugunan. Aniya, mahalagang maibalik ang mga silid-aralan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga mag-aaral.
Batay sa datos ng DepEd, nasa 134 silid-aralan sa 38 eskwelahan ang nagtamo ng matinding pinsala, habang 525 classrooms sa 177 eskwelahan ang may minor damages.
Sa bayan ng Calayan, na isa sa lubhang naapektuhan ng bagyo, 22 eskwelahan ang hindi pa makapagpatuloy ng in-person classes at nakatakdang gumamit ng Alternative Delivery Mode (ADM) simula ngayong linggo.
Tinatayang 38,254 estudyante sa buong lalawigan ang apektado ng kalamidad.
Nagpasalamat din si Caliguiran sa pagbisita ng Pangulo sa kabila ng layo ng lalawigan, at sinabing nagbigay ito ng inspirasyon sa mga guro at kawani ng DepEd na magpatuloy sa kanilang misyon na maturuan ang mga mag-aaral sa kabila ng mga hamon dulot ng bagyo.









