Reimbursement para sa libreng matrikula sa SUCs, makukumpleto na

Manila, Philippines – Halos makukumpleto na ng Commission on Higher Education o CHED ang reimbursements ng libreng matrikula sa State Universities and Colleges o SUCs para sa taong 2017.

Ito ay taliwas sa report ng Commission on Audit o COA na nagsasabing “very low” ang disbursements ng P8 billion free tuition fund sa SUCs.

Ayon kay CHED officer-in-charge Prospero De Vera, na-reimburse na ang libreng matrikula sa halos lahat ng 112 SUCs sa buong bansa.


Aniya, ang Philippine Merchant Marine Academy o PMMA at Adiong Memorial Polytechnic State College o AMPSC na lang ang wala pang natanggap na reimbursements.

Paliwanag ni De Vera, ang PMMA ay may hiwalay na budget allocation para sa matrikula sa ilalim ng general appropriations act.

Habang ang AMPSC ay bigong mag-report ng income sa kanilang Budget Expenditure and Sources of Financing o BESF noong 2017.

Sabi pa ni De Vera, ang balanse na P8 billion free tuition fund ay pinoproseso na para sa reimbursement sa summer o midterm ng academic year 2017-2018 claims ng SUCs.

Facebook Comments