
CAUAYAN CITY – Tumanggap ng livelihood fund na nagkakahalaga ng ₱997,500 ang Pamahalaang Bayan ng Reina Mercedes mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa isang seremonyang isinagawa sa Capital Arena, Ilagan City, Isabela.
Ang naturang pondo ay bahagi ng programa ng DOLE na naglalayong suportahan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong pangkabuhayan sa kanilang mga komunidad.
Ang inisyatiba ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan nina Mayor Malou Respicio-Saguban at ng Sangguniang Bayan, sa pamumuno ni Vice Mayor Anthony P. Respicio. Sa bisa ng isang SB resolution, naaprubahan ang kahilingan para sa nasabing pondo.
Gagamitin ang pondo para sa pagbili ng mga kagamitan at materyales na kakailanganin sa mga livelihood projects gaya ng meat processing, paggawa ng peanut butter, at banana chips.
Tinuturing ito ng lokal na pamahalaan bilang isang mahalagang hakbang tungo sa mas masaganang kabuhayan para sa mga Mercedian, sa tulong at suporta ng pambansang pamahalaan.









