Pinatitiyak ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na dapat nakahanda na ang reintegration program para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Israel at Lebanon na uuwi na ng Pilipinas.
Ito ay kaugnay pa rin sa tumataas na tensyon sa border ng Israel at Lebanon bunsod pa rin ng patuloy na giyera sa Gaza.
Ayon kay Go, Vice Chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, maliban sa repatriation ay dapat isama rin sa prayoridad ng pamahalaan ang reintegration efforts para suportahan ang muling pagbabalik sa lipunan ng mga OFW na naapektuhan ng kaguluhan.
Iginiit ni Go na mahirap ang pinagdadaanan ng OFWs doon dahil bukod sa nawalan ng trabaho, tirahan at ang ilan ay nawalan ng pamilya, matinding trauma rin ang kanilang nararanasan.
Tinukoy ni Go ang pagkakaroon ng maayos na sistema na makapagbibigay sa OFWs ng trabaho, skills retraining at serbisyo para sa mental health.
Dagdag pa ng senador na dapat may nakahanda ring tulong ang gobyerno para sa physical at psychological well-being ng OFWs, gayundin ng temporary housing kung kinakailangan at pagtiyak sa kapakanan ng mga pamilya.
Punto pa ni Go, responsibilidad ng gobyerno na ibigay ang lahat ng suporta para sa ating modern-day heroes na mga OFWs na nangangailangan ngayon ng tulong matapos na maipit sa kaguluhan sa Israel.