Sinimulan na ng bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) ang trabaho nito kahit wala pang pondo mula sa gobyerno.
Ayon kay DMW-Welfare and Foreign Employment Undersecretary Hans Leo Cacdac, ito ay sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na attached agency ng ahensya gayundin ng mga absorbed agencies nito na kinabibilangan ng:
Philippine Overseas Employment Administration (POEA)
International Labor Affairs Bureau ng DOLE
Office of the Undersecretary for Migrant Workers ng DFA
National Reintegration Center
National Maritime Polytechnic at;
Overseas Social Welfare Attache ng DSWD
“Kasi yung POEA, may budget na yan sa 2022 at yung Philippine Overseas Labor Offices (POLO) Corps na mapapasailalim din doon. May existing budget na sila under the POLO and POEA items under the 2022 GAA, so patuloy yun. So in a sense, merong kumbaga e, kakaunti kahit papano na budget sa ngayon pero ang bulto ay papasok talaga sa 2023,” saad ni Cacdac sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
Una nang ipinatupad ng DMW sa pamumuno ng kalihim nitong si Susan “Toots” Ople ang One Repatriation Command Center na layong gawing mas coordinated ang pagbibigay ng impormasyon sa mga pamilya ng mga pauuwiing OFW at ang OFW Children Circle na layon namang tugunan ang social costs sa mga batang naiiwan ng mga magulang dahil sa pangingibang-bansa.
Target din ng ahensya na mapalawig ang pagbibigay ng proteksyon at reintegration sa mga OFW bago matapos ang taon.
“Mula sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW, halimbawa, pagsalba sa kanila mula sa mapang-abusong employers, lalo na yung mga OFW kasambahay, dadalhin sila sa shelters, pakakainin. ‘Pag dating nila sa Pilipinas, ano na ang dadatnan nila?” ani Cacdac.
“Ngayon, merong mga livelihood projects ang OWWA, pwedeng scholarship din para sa mga anak ng mga kasambahay na OFWs para sa kolehiyo. Pero gusto pa talagang palawigin at patingnan ni Sec. Toots lalo na kung nagtagumpay ba talaga ang negosyo… pagsasanay, training para naman sa ibang trabaho,” dagdag niya.
Samantala, sa January 2023 pa malalagyan ng budget ang DMW.