Iimbestigahan din ng House Committee on Metro Manila Development ang isyu at mga reklamo laban sa mga kautusan o patakaran ng Philippine Ports Authority o PPA partikular ang umano’y pagpapataw ng sobrang taas na “port fees.”
Para kay Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na siyang chairman ng komite, makabubuting ihinto ng PPA ang paglalabas ng anumang panibagong utos o patakaran na magiging pabigat lamang sa mga “end user” gaya ng mga negosyo hanggang sa mga consumer.
Nauna nang naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros para paimbestigahan sa Senado ang mga isyu laban sa PPA partikular ang electronic o e-ticketing system nito at mataas na “port fees.”
Ayon kay Edgardo Nicolas ng Philippine Coastwise Shipping Association o PCSA, pahirap at pabigat ang mga ginagawa ng PPA na hindi rin idinaan sa konsultasyon kaya hindi imposible na humantong sila sa pagdulog kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ang e-ticketing system ay isa sa “full digitalization efforts” ng PPA maliban sa Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System.
Samantala, bukod dito ay kasama ring iimbestigahan ng komite ang umano’y mga reklamo laban sa clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Ayon kay Valeriano, nagpadala na ang komite ng imbitasyon sa mga opisyal ng MMDA at iba pang mga resource person.