Reklamo ng CHR sa ilang pulis sa Tondo, Maynila dahil sa “secret detention cells,” ibinasura ng SC

Ibinasura ng Korte Suprema ang reklamo ng Commission on Human Rights (CHR) laban sa ilang pulis sa Tondo, Maynila na kaugnay sa umano’y secret detention cells.

Sa desisyon na akda ni Associate Justice Antonio T. Kho Jr., pinagtibay ng SC Second Division ang dismissal ng Office of the Ombudsman sa reklamo ng CHR sa umano’y “secret detention cell” sa loob ng Raxabago Police Station 1.

Batay sa video na isinumite noon ng CHR, nakita ang tatlong lalaki at siyam na babae na nagsisiksikan sa maliit at maduming silid na nasa likod ng kahoy na bookshelf.


Sa panig ng pulisya, nakakaranas ng overcrowding ang kulungan noong mga panahong iyon dahil nasa 96 ang naka-detine kahit itinayo lamang ito para sa 50 detainees.

Dahil dito, napilitan daw silang gumamit ng temporary holding area habang naghihintay na sumalang sa imbestigasyon ang mga nakakulong.

Ibinasura naman ng Ombudsman ang reklamo dahil sa hindi malinaw na video footage na nagpapakita lang na madilim ang kwarto na may urinal at batid din nila ang problema sa siksikang mga kulungan.

Ayon din sa SC, walang ebidensiya na mayroong secret detention cell o may paglabag sa Anti-Torture Act of 2009

Sa kabila ng pagbasura, sinabi ng Mataas na Hukuman na dapat tugunan ng mga ahensiya ng gobyerno ang problema sa kakulangan ng malinis at wastong pasilidad ng mga kulungan.

Pinaalalahanan din ang pulisya na dapat panatilihing malinis kahit ang temporary holding areas na ginagamit ng mga detainee.

Facebook Comments