Reklamo ng isang negosyante na itinuring na suspek ng PNP sa bentahan ng bakuna o vaccination slots, pinare-review na ni PNP Chief Eleazar

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa kanyang mga tauhan na i-review ang kaso ng negosyanteng si Nina Ellaine Dizon-Cabrera matapos na magreklamo ito na mapabilang siya sa mga suspek sa bentahan ng vaccine o vaccination slots.

Sa reklamo ni Cabrera, nagulat siya nang ituring siyang suspek ng PNP sa bentahan ng mga bakuna o vaccination slots gayong siya pa nga raw ang nagbunyag sa nasabing modus online.

Ayon kay PNP Chief, partikular niya nang inutos sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PNP Anti-Cybercrime Group na araling mabuti ang kaso na isinampa nila laban kay Cabrera sa Mandaluyong Prosecutor’s Office.


Nais matukoy ni Eleazar kung may lapses sa isinagawang imbestigasyon ng kanyang mga tauhan.

Tiniyak niya rin kay Cabrera na personal niyang imo-monitor ang kanyang utos at itatama kung may matutukoy na may pagkakamali sa isinagawang imbestigasyon kaugnay sa vaccine slot for sale controversy.

Facebook Comments