Reklamo ng mga Apektadong Pamilya dahil sa Typhoon Rosita, Ipinaliwanag ng DSWD Region 2

Cauayan City, Isabela- Sinagot na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 2 ang ilang dahilan kung bakit hindi nabigyan o napili ang iba pang mga naapektuhan ng manalasa ang Bagyong Rosita taong 2018.

Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang mga reklamo ng mga residente sa hindi nila pagkakabilang sa mga sana’y maaayudahan ng Emergency Shelter Assistance ng ahensya.

Ayon kay Information Officer Edsel Mia Carbonell ng Disaster Management Office, pangunahing mandato pagdating sa disaster operation ang mga opisyal ng barangay na siyang mangangasiwa sa validation kung totoo nga bang apektado ang isang pamilya kapag nananalasa ang sakuna.


Ipinaliwanag pa nito na nagsisimula ang validation sa mga opisyal ng barangay habang dadaan ito sa Local Government Unit (LGU) at sa Provincial Level na siya namang tatanggapin ng pangrehiyong tanggapan para sa pagproseso ng masterlist sa pagbibigay ng ayuda.

Samantala, umabot sa 40,903 ang makakatanggap ng cash aid para sa mga partially damaged habang 3,545 sa mga totally damaged na kabahayan.

Para naman sa mga gustong malinawan at mabigyan ng solusyon ang kanilang hinaing ay mangyaring i-email sila sa (fo2@dswd.gov.ph) kalakip ang grievance letter at mga litrato ng kaning naapektuhang bahay o tumawag sa 304-0586/ 304-1004.

Facebook Comments