Isasalang na sa pagdinig ngayong araw ng Senate Committee on Public Services ang mga reklamo ng mga major shipping at logistics company sa pagtaas ng bayarin sa mga pantalan bunsod ng bagong kautusan ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ang imbestigasyon ng Senado ay salig na rin sa Senate Resolution 484 na inihain ni Senator Risa Hontiveros kung saan tinukoy na inirereklamo ng major shipping companies ang inisyu ng PPA na trusted operator program-container registry and monitoring system na itinuturong dahilan ng pagtaas ng shipping at transport costs na makakaapekto sa publiko lalo sa mga consumer.
Nakasaad sa resolusyon na dahil sa pagtaas ng bayarin sa shipping at transport ay tataas din ang presyo ng mga produktong isinasakay sa barko tulad ng mga pagkain.
Sa pagsisiyasat ay hihingan ng paliwanag ni Public Services Committee Chair Senator Grace Poe ang mga opisyal ng PPA at kung hindi makuntento sa kanilang paliwanag ay muli itong magpapatawag ng pagdinig.
Matatandaang unang ipinaalala ni Poe na dapat tandaan palagi ng pamahalaan na ang bago nitong patakaran ay dapat naayon sa ‘ease of doing business’ kung hindi ay wala itong puwang para ipatupad.