Dagsa pa rin ang reklamo tungkol sa text scams kahit pa naisabatas na ang Mandatory SIM Registration Law.
Sa pagdinig ng Senado, aabot sa mahigit 45,600 ang natanggap na reklamo ng National Telecommunications Commission (NTC) ukol sa text scams.
Ayon kay NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, sa umpisa ng implementasyon ng Mandatory SIM Registration Law ay umunti ang mga reklamo pero sa mga sumunod na buwan ay dumami ulit at karamihan ng mga reklamong kanilang natatanggap ay request na i-block ang cellphone number.
Natuklasan pa sa pagdinig na kahit pekeng ID ay tinanggap sa online registration ng SIM.
Inihayag ni NBI Cybercrime Division Chief Atty. Jeremy Lotoc na bago sila dumalo sa hearing sa Senado ay nag-eksperimento ang kanyang team kung saan ini-register nila ang isang ID na may mukha ng nakangiting unggoy gamit ang iba’t ibang pangalan at lahat ay nairehistro sa SIM ng iba’t ibang telcos.
Aniya pa, ang mga pre-registered na SIM ay naibebenta sa Facebook sa halagang P40 hanggang P50 bawat isa at ito ang binibili at ginagamit ng ilang POGO sa kanilang mga scam operations.
Aminado ang NTC at National Bureau of Investigation (NBI) na hirap silang tukuyin ang mga scammers dahil pekeng ID ang gamit sa pag-register ng kanilang SIM.
Maliban dito, gumagamit din ang mga scammers ngayon ng ibang mobile application tulad ng Viber, WhatsApp, Twitter at Linked In at iba pang internet platform para makapambiktima.