Reklamong Graft at Abuse of Authority, Ugat ng Suspensyon sa Trabaho ni Mayor Meneses ng Nagtipunan, Quirino

Cauayan City, Isabela- Sinuspinde ng Provincial Board ng Sangguniang Panlalawigan ng Quirino sa kanyang tungkulin si Mayor Nieverose Meneses ng bayan ng Nagtipunan.

Ito ay matapos ang masusing pagdinig na ginawa ng legislative body makaraang sampahan ng reklamo may kaugnayan sa reklamong administratibo at graft and corrupt practices act.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay LGU Tourism Officer Loyd Toloy, isa sa naghain ng kaso, masaya ito sa naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan at naniniwala umano siya na pantay-pantay sa mata ng batas ang hatol kahit maituturing na mataas kang opisyal.


Batay sa order of execution na napagdesisyunan, napatunayang ‘guilty’ ang alkalde sa kanyang administrative offense of Oppression and Abuse of Authority kaya’t pinatawan ito ng limang (5) buwan at labinlimang (15) araw na suspensyon.

Dagdag dito, napatunayan rin na may paglabag ang opisyal sa kasong graft kaya’t pinatawan ito ng limang (5) buwan na suspensyon.

Kinakailangan umanong agad na mabakante ang opisina ng alkalde batay sa desisyon na isinilbi laban sa kanya.

Matatandaang kinuwestyon ni Toloy ang pag-utang ng LGU Nagtipunan ng milyong-milyong pisong pondo para sa ilan umanong development projects ngayong sinasabing posible umanong magamit sa susunod na halalan ang pondo.

Samantala, wala pang tugon ang alkalde sa isyu ng kanyang suspensyon.

Facebook Comments