Reklamong kriminal kaugnay sa kontrata ng DOT sa PTV4 at Bitag Multimedia Network, ibinasura ng Office of the Ombudsman

Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang reklamong kriminal kaugnay sa kinukuwestyong kontrata ng Department of Tourism (DOT) sa People’s Television Network Inc. o PTV at Bitag Media.

Sa kopya ng desisyon ni Graft Investigator and Prosecution Officer III Rosano Oliva, dinismiss ng Office of the Ombudsman ang reklamo na inihain ng kanilang Field Investigation Office dahil sa kakulangan ng probable cause o sapat na batayan.

Ikinatwiran ni Oliva na totoong nagpalabas ang Commission on Audit (COA) ng Audit Observation Memorandum sa naturang kontrata subalit walang ebidensiya na nagpapakitang nagpalabas ang COA ng Notice of Suspension o kaya ay Notice of Disallowance


Kahit din aniya naipalabas ang naturang notices, walang record na nagpapakitang pinal na ang aksyon ng COA.

Kabilang sa respondents sa reklamo si dating Tourism Sec. Wanda Tulfo Teo, Executive Assistant niya na si Arlene Mancao, Dino Antonio Apolonio at Ramon Del Rosario ng PTVI, Ma. Alma Francisco ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Bienvenido Tulfo ng Bitag Media Unlimited Inc.

Una rito, siniyasat ng Ombudsman sa ilalim ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang P60 milyon kontrata ng DOT para sa patalastas ng kagawaran sa programa ng Bitag Media sa PTVI.

Facebook Comments