Manila, Philippines – Ibinasura ng Department of Justice ang kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention laban sa 30 mula sa 44 na mga dayuhang naaresto dahil umano sa pagdukot sa isang dayuhang high-roller casino player.
Sa 11-pahinang resolusyon na isinulat ni Assistant State Prosecutor Phillip dela Cruz at aprubado ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr, tinukoy na walang sapat na ebidensya para kasuhan sa korte ang tatlumpung dayuhan.
Ang mga respondent na kinabibilangan halos ng mga Chinese ay naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration at PNP-Anti Kidnapping Group noong July 18.
Nasagip sa nasabing operasyon ang Singaporean na si Wu Yan na sinasabing dinukot ng mga respondent mula sa Solaire Resort and Casino sa Lungsod ng Pasay.
Si Wu ay pwersahan umanong tinangay ng mga respondent at dinala sa Bayview International Towers nuong July 17 kung saan siya sinaktan ng mga dumukot sa kanya at binantaang papatayin kung hindi magbabayad ng 180 thousand US dollars kapalit ng kanyang kalayaan.
Ayon sa resolusyon, hindi kinilala ni Wu ang sinuman sa tatlumpung respondent na kasama sa grupong dumukot sa kanya.
Dahil dito, iniutos ng DOJ na palayain ang tatlumpung dayuhan mula sa Kampo Crame sa Quezon City kung saan sila nakakulong.