
Nakatanggap na ng higit 2,000 reklamo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Sumbong sa Pangulo website kaugnay sa mga flood control projects, isang linggo mula nang ilunsad ang online portal.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ilan sa mga isinumbong na proyekto ang personal nang ininspeksyon ng pangulo, kung saan nadiskubre ang ilang kapalpakan.
Kabilang na rito ang nabukong “ghost flood control project” sa Baliuag, Bulacan kung saan walang naitayong istruktura sa lugar sa kabila ng iginawad na ₱55-million na kontrata.
Inatasan na aniya ng pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ibigay pa rin ang lahat ng listahan ng flood control projects sa kabila ng mga iregularidad, para masigurong walang makalulusot na palpak na proyekto.
Pinatitiyak din ng Pangulo na maba-blacklist o hindi na makakakuha muli ng kontrata sa gobyerno ang mga kumpanyang pumalpak sa pagpapatupad ng mga flood control projects.
Nagbabala rin aniya ang pangulo sa mga opisyal na sangkot sa ghost flood control projects na kakasuhan at pananagutin sa batas kapag napatunayang kasabwat o kakontsaba sa mga anomalya sa flood control projects.









