Pinag-aaralan na ng Pamahalaan ang rekomendasyon ng pribadong sektor na gawing mandatory na ang pagpapa-booster shot.
Ito ang inihayag ni Department of health Undersecretary at National Vaccination Operations Center chief Myrna Cabotaje sa interview ng RMN Manila kasunod na rin ng mababang bilang ng mga nagpapa-booster sa bansa.
Ayon kay Cabotaje, naging kumpiyansa na kasi ang ilan na protektado na sila kontra COVID-19 matapos na makatanggap ng unang dalawang dose ng bakuna.
Pero pagdidiin nito, importante ang booster shot upang mapalakas ang proteksyon natin laban sa virus.
Sa pagtatapos ngayong araw ng “Bayanihan, Bakunahan 4” National Vaccination Drive (NVD), sinabi ni Cabotaje na umabot pa lang sa 1.4 million ang kanilang nabakunahan, mas mababa sa target nila na 1.8 million.
Samantala, hindi pa rin naman inirerekomenda ang booster shot para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 taong gulang habang pina-igting naman ang bakunahan sa edad lima hanggang 11 taong gulang.
Sa interview ng RMN Manila naman, sinabi ni Dr. Nina Gloriani, Chairperson ng Vaccine Expert Panel – Technical Working Group for COVID-19 Vaccines na magpupulong sila ngayong araw ng Department of Health upang pag-usapan ang inaprubahang Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration sa Sinovax vaccine para sa mga batang 6-17 years old.