Binawi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naging rekomendasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na sampahan ng kaso sina Health Secretary Francisco Duque III at dating Food and Drug Administration (FDA) Director Eric Domingo.
Sa sesyon sa plenaryo kahapon ay inanunsyo ang pagbabalik sa House Blue Ribbon Committee ng Committee Report 1393.
Ang nasabing report ay kaugnay sa imbestigasyon ng komite sa mga polisiya at panuntunan ng DOH at FDA kaugnay ng pagrerehistro, regulasyon, paggamit, paggawa at distribusyon ng mga gamot laban sa COVID-19.
Dito ay pinakakasuhan sina Duque at Domingo dahil sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713), Executive Order 292 at Anti-Red Tape Act of 2007 (RA 9485) dahil sa mabagal na pag-apruba sa application ng mga gamot para sa COVID-19.
Hindi naman dumalo si Duque sa serye ng mga pagdinig na ginawa ng komite.
Inamin naman ni DIWA Party list Rep. Mike Aglipay, Chairman ng komite, na inakala niya at ng mga miyembro ng panel na wini-waive ni Duque ang kanyang karapatan na mapakinggan sa hindi pagharap sa pagdinig.
Posible namang buksan muli ang pagdinig sa proseso at aplikasyon para sa mga gamot sa COVID-19 upang mabigyang pagkakataon ang mga opisyal na magpaliwanag sa mga mambabatas.