Manila, Philippines – Tatalima ang Korte Suprema sa rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng biniling Toyota Land Cruiser ng hukuman bilang service vehicle ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay batay sa marginal note ni acting Chief Justice Antonio Carpio sa Audit Observation Memorandum ng COA na nagsasabing maanomalya ang pagbili ng Korte Suprema sa nasabing luxury vehicle.
Sa kanyang marginal note, inatasan ni Carpio ang Chairperson ng Procurement Planning Committee at ang Dating Chairperson ng Bids and Awards Committee for Goods and Services (BAC-GS) ng Korte Suprema n ipatupad ang rekomendasyon ng COA.
Kasama rito ang pagsusumite ng basehan sa ginamit na detailed specification ng Toyota Land Cruiser, gayundin ang basehan sa presyo ng nasabing SUV bilang Approved Budget for the Contract (ABC).
Hinihingi rin ng COA ang detalyadong breakdown ng halaga ng kontrata; certification mula sa namumuno ng BAC Secretariat kaugnay ng paglalathala o pagkakabit ng advertisement sa mga lugar na kita ng publiko; printout copy ng posting of Notice of Award, Notice to Proceed at Contract of Award sa PhilGEPS o Philippine Government Electronic Procurement System at purchase request na aprubado ng mga otoridad.