Manila, Philippines – Malaking konsiderasyon para sa magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa Dengvaxia ang magiging rekomendasyon ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, wala nang balak ang Pangulo na atasan ang mga eksperto ng Department of Health (DOH) na magsagawa ng sariling pag-aaral sa Dengvaxia vaccine.
Hihintayin lang aniya ni Pangulong Duterte ang magiging rekomendasyon ni Duque kung pwede nang gamitin o hindi ang bakuna sa gitna ng lumulobong kaso ng dengue sa bansa.
Bukod dito, may kinuha nang pathologist experts ang Pangulo mula sa Asian countries noong nakaraang taon para pag-aralan ang bakuna.
Habang hindi pa ginagamit ang Dengvaxia, tiniyak ni Panelo na tinututukan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng mga preventive measures kontra dengue.