Rekomendasyon ng Economic Development Cluster na magkaloob ng ligtas at maaasahang public transportation ngayong pandemya, aprubado ng IATF

Aprubado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ilang rekomendasyon ng Economic Development Cluster na magbigay ng maayos at ligtas na transportasyon sa publiko ngayong panahon ng pandemya.

Kabilang sa mga naaprubahan ay ang pagbibigay ng shuttle services ng government agencies, malalaking korporasyon at negosyo sa kanilang mga empleyado.

Para sa mga kumpanyang hindi kaya o walang budget para magprovide ng shuttle service sa kanilang mga empleyado ay dapat magkaroon sila ng alternative arrangements, tulad ng cost-sharing, partial vouchers para magamit sa pagsakay ng kanilang mga empleyado ng Transport Network Vehicle Services (TNVS).


Maaari ring rentahan ng isang kumpanya ang ilang Public Utility Vehicles bilang service ng kanilang mga empleyado nang sa ganon ay makatulong pa sa mga tsuper na nawalan ng hanapbuhay ngayong may pandemya.

Ipatutupad na rin ang automated fare collection system para i-promote ang cashless payments upang mabawasan ang banta ng COVID-19 transmission.

Para naman mabawasan ang oras ng mga mananakay sa loob ng PUV ganun din ang mahabang pila, magkakaroon ng dedicated lanes para sa PUV sa mga major routes, at magkakaroon din ng PUV stops and stations.

Samantala, para maprotektahan ang mga bikers, maglalaan ng bike lanes at lalawakan din ang walkways para maging ligtas ang mga siklista at ang pedestrian.

Inaasahan namang maglalabas ang Department of Transportation, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment ng guidelines para ipatupad ang mga nasabing public transportation recommendations.

Facebook Comments