Rekomendasyon ng FEO sa revocation ng lisensya ng mga baril ni Quiboloy, hinihintay na lamang malagdaan ni PNP Chief Marbil

Pirma na lamang ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil ang hinihintay para sa revocation ng lisensya ng mga baril na pagmamay-ari ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.

Ito’y makaraang maglabas ng rekomendasyon ang Firearms and Explosives Office (FEO) na bawiin ang license to own and possess firearms ni Quiboloy.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, 19 na baril ang nakarehistro kay Quiboloy.


Bukod dito, may isa pa sa co-accused niya na nagmamay-ari ng isang baril ang inirekomendang bawian din ang lisensya.

Ipinaliwanag ni Fajardo na nakasaad sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Act ang naging basehan ng pagkansela ng LTOPF ng puganteng pastor.

Nauna nang sinabi ni Gen. Marbil na kasalukuyang inaaral ng kanyang opisina ang pirmadong resolusyon ng FEO.

Facebook Comments