Rekomendasyon ng IATF kaugnay sa pagpapalawig o hindi ng Modified ECQ sa Metro Manila at ilang pang lugar sa bansa, isinasapinal na ngayong araw!

De-desisyonan na ni Pangulong Rodrigo Duterte anumang araw simula ngayon kung palalawigin pa o hindi ang ipinapatupad na Modified lockdown sa Metro Manila at ilang pang lugar sa bansa.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, isasapinal na ngayong araw ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang lockdown recommendation na ibibigay kay Pangulong Duterte.

Sakaling matapos at maipasa ng IATF sa Palasyo, sinabi ni Año na posibleng bukas o sa Biyernes ay ihahayag na ng Pangulo ang kanyang desisyon.


Kahapon ay nagdesisyon na ang Metro Manila Mayors na ilagay na rin sa General Community Quarantine (GCQ) mula sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila mula sa Hunyo 1, 2020.

Samantala, base sa ginawang pag-aaral ng University of the Philippines, dapat manatili pa rin na nakasailalim sa MECQ ang Metro Manila at iba pang high-risk areas sa COVID-19.

Sinabi ni UP Diliman Political Science Department Assistant Professor Ranjit Rye, na mayroong lag o delay sa pag-uulat ng COVID-19 infections ang Department of Health (DOH) at mayroong 7,000 kaso na hindi pa naiuulat.

Maliban dito, nakikitaan din ng UP research team ng pagtaas ng kaso ang Maynila, Taguig, Muntinlupa, Caloocan at Pateros.

Facebook Comments