Sinagot ni Senate President Chiz Escudero ang alok ni Cong. Robert Ace Barbers na magsagawa na lamang ng joint investigation ang Senado at Kamara patungkol sa imbestigasyon ng drug war.
Aminado si Escudero na nakakatukso na pumayag sa alok ng Kamara subalit wala aniyang probisyon sa rules ng Kongreso para sa pagsasagawa ng joint investigation ng dalawang magkahiwalay na kapulungan.
Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, maganda sanang ideya ang joint investigation ng Senado at Kamara pero mahirap itong ipatupad.
Bukod dito ay malayo na rin ang narating ng imbestigasyon ng Kamara o nasa advance stage na sila hindi tulad sa Senado na magsisimula pa lang at wala pang petsa.
Samantala, nauna namang tiniyak ni Pimentel na kung mabuo ang subcommittee at may sapat na bilang ng mga senador na magpakita ng interes na simulan agad ang imbestigasyon sa drug war ay agad niya itong ikakasa.