Rekomendasyon ng NMC na isapubliko ang schedule ng resupply mission sa WPS, tinabla ni PBBM

Tinabla ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang rekomendasyon ng National Maritime Council (NMC) na isapubliko ang schedule ng mga resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Defense Secretary Gibo Teodoro, ang naging desisyon ng pangulo ay kasunod ng naging pagbisita nito sa Western Command kahapon kung saan nakausap niya nang personal ang mga sundalong kasama sa RoRe mission.

Nanindigan aniya si Pangulong Marcos na hindi natin kailangang humingi ng permiso sa ibang bansa hinggil sa pagganap ng ating tungkulin sa Pilipinas.


Tuloy-tuloy rin aniya ang gagawing Routine Rotation and Resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre at hindi rin magbabago ang mga polisiya ng Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea.

Sinabi pa ni Teodoro na naninindigan ang pangulo na patuloy na hahanap ang pamahalaan ng mapayapang solusyon para resolbahin ang isyu sa West Philippine Sea.

Facebook Comments