Nagpulong muli sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at mga private sector advisory council sa Malacañang.
Sa official Twitter account ng pangulo, inihayag nitong pinakinggan niya ang mga rekomendasyon ng pribadong sektor para sa transformation ng agrikultura.
Kabilang sa mga rekomendasyon ang pagpapabuti ng programa sa pautang at pagpapautang sa mga magsasaka, tamang pagpapatupad ng mga batas sa agrikultura, teknikal na pagsasanay para sa mga magsasaka at pagkakaroon ng mas maraming post-harvest facilities sa bansa.
Binigyan din ng pangulo ang update sa ‘Kapatid Angat Lahat for Agricultural Program’ (KALAP) na layuning itaguyod ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.
Sinabi ng pangulo na bawat aspeto, kabilang na ang panlipunan, pangkapaligiran at pang-ekonomiya ay kanilang isinasaayos upang makamit ang isang matibay at produktibong sektor.
Tinukoy rin ng pangulo ang kahalagahan ng public-private partnership sa pagkamit ng sustainable development at pagbabago sa sektor ng agrikultura.
Kasama sa pulong si GO Negosyo founder at negosyanteng si Joey Concepcion at iba pang miyembro ng konseho.