
Isinumite na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the President ang rekomendasyon na gawing permanenteng Philippine National Police (PNP) Chief si acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa gitna ng budget deliberations para sa DILG, tinanong ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson kung bakit acting PNP Chief pa rin hanggang ngayon si Nartatez.
Mayroon ba aniyang balak na i-recall o ibalik bilang PNP Chief ang nagbitiw na si General Nicolas Torre III, kaya’t nananatiling acting si Nartatez.
Batid naman ni Lacson na hindi isyu sa pagiging full-time PNP Chief ang pagiging 3-star general ni Nartatez, dahil kahit siya noong naging pinuno ng pulisya ay nasa 2-star pa lamang. Umangat siya sa 3 stars at saka pa lang naibigay ang 4 stars nang magretiro si 4-star General Santiago Aliño.
Sinabi naman ni Senator JV Ejercito, na siyang dumipensa sa budget ng DILG, na ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nai-forward na nila sa tanggapan ng Pangulo ang rekomendasyong gawing permanenteng PNP Chief si Nartatez.
Kapag nagretiro si Torre, maaari nang maibigay kay Nartatez ang 4-star general rank.









