Naisumite na para sa pagrepaso ng en banc ang ulat at rekomendasyon ng Commission on Elections-Bicol hinggil sa paglalagay sa bayan ng Daraga, Albay sa ilalim ng kontrol ng Comelec.
Sabi ni Regional Elections supervisor Atty. Maria Juana Valeza, sila na mismo ang nagrekomenda sa hakbang matapos ang mga naging hakbang ng PNP sa kaso ng pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.
Sakaling pormal nang maaprubahan ang hakbang, mapapasailalim na rin sa kontrol ng bubuuing task force ng Comelec ang administrative functions ng Local Government Unit kabilang na ang personal moment ng mga empleyado at paglalabas ng pondo.
Ipapatupad din aniya ang total gun ban at ipapa-recall ang mga body guard at detail security ng mga pulitiko.
Pero wala naman aniyang dapat ikabahala ang mga taga-Daraga dahil ginawa lamang ito para matiyak na magiging katiwa-tiwala, mapayapa at maayos ang halalan.
Nilinaw naman ni Valeza na ito ang pinakaunang pagkakataon na ilalagay ang isang bayan sa ilalim ng kontrol ng Comelec.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng Comelec Bicol ang magiging desisyon ng en banc na inaasahang lalabas sa susunod na linggo.