Umaasa ang ilang eksperto na maaaprubahan na agad ang rekomendasyon ng Vaccine Expert Panel na makapagtuturok na rin ng ikalawang booster dose sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante, Infectious Disease Expert, na mahalaga ang ikalawang booster dose lalo na sa mga medical frontliners na lantad sa COVID-19 gayundin sa mga nakatatanda at immunocompromised individuals.
Ani Solante, hindi lamang sa Estados Unidos nagsimula na ang pagbibigay ng 4th dose kundi maging sa ilang mga bansa sa Asya tulad ng Vietnam, Thailand at Malaysia.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Dr. Solante na dapat munang matutukan ang pagpapataas ng bilang ng mga nagpapa-first booster shot.
Sa ngayon ay nasa 12 milyong pa lamang ang mayroong booster shot gayong nasa 65.9 milyong Pilipino na ang fully vaccinated.