Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong gamitin na ang lahat ng AstraZeneca vaccines na mayroon ngayon ang Pilipinas bilang first dose ng mga healthcare workers sa halip na itago ang kalahati nito para sa second dose ng mga unang naturukan ng bakuna.
Nabatid na tumanggap ang Pilipinas ng 525,600 AstraZeneca doses mula sa COVAX Facility noong unang linggo ng Marso.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na layon nitong maprotektahan ang mas maraming healthcare workers sa mga lugar na may mataas na COVID-19 transmission.
Ang nasabing panukala ay nanggaling kay Health Secretary Francisco Duque III kung saan sinabi nito na makakatulong ang istratehiya para matiyak na walang bakuna ang masasayang.
Paliwanag niya, tatlong buwan ang time interval ng pagtuturok ng una at ikalawang dose ng bakuna na eksaktong petsa kung kailan ito mag-e-expire.
Sinuportahan ito ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at sinabing may darating naman ulit na mas maraming suplay ng AstraZeneca vaccines sa March 22 o kung ma-delay man ay sa unang linggo ng Abril.
Samantala, nasa tatlong milyong doses ng bakunang Sputnik V ang bibilhin ng Pilipinas sa Abril.
Target naman ng pamahalaan na masimulan ang malawakang pagbabakuna sa bansa sa Mayo.