Posibleng aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong Pilipinas simula March 1.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagkasundo na Ang Inter-Agency Task Force (IATF) at Metro Manila mayors na mag-MGCQ kaya hindi malayong sumang-ayon na rin dito ang Pangulo.
Nabatid na siyam sa 17 alkalde sa Metro Manila ang bumutong pabor sa nasabing rekomendasyon ng economic managers.
Samantala, pabor din ang League of Provinces of the Philippines (LPP) na mailagay na sa MGCQ ang buong bansa.
Katwiran ni LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., maliit lang naman ang deperensya ng GCQ at MGCQ.
Pero apela niya sa pamahalaan, bigyan ng karapatan ang mga Local Government Unit (LGU) na mabilisang magpatupad ng mas mahigpit na quarantine restriction sakaling magkaroon ng biglaang pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Inaasahang magdedesisyon ang Pangulo ukol dito sa February 22.
Pero ang anunsyo sa posibleng pagpapaluwag ng quarantine restriction ay maaaring gawin ng Pangulo bago matapos ang Pebrero.