Rekomendasyong kasuhan sina Romualdez at Co, mahalagang hakbang para mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian

Ikinatuwa ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ang rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na kasuhan ng graft at plunder cases sina dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Congressman Elizaldy Co.

Para kay Cendaña, ang nasabing hakbang ay daan para mabunyag ang ugat ng anomaliya sa flood control projects, sa layuning mapanagot ang mga sangkot sa korapsyon.

Ayon kay Cendaña, ang paghahain ng mga kasong katiwalian ay umaayon sa kanilang panawagan na imbestigahan at isakdal ang lahat ng tutukuyin ng mga ebidensya.

Binigyang-diin ni Cendaña na kailangang malantad ang buong katotohanan sa pinakamalaking korapsyon sa bansa at ito ay dapat nakabatay sa ebidensya na tatayo sa korte, at hindi mga pasabog na expose lamang na wala namang saysay.

Facebook Comments