Isang magandang development ang rekomendasyon ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) na sibakin sa serbisyo ang siyam na pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo.
Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, sakaling maipatupad ang rekomendasyon, ito ay parusa pa lamang sa kasong administratibo na kinakaharap ng siyam na pulis.
Mayroon pa aniyang dalawang criminal at civil liabilities na kinakaharap ang mga pulis dahil sa pagkakapatay sa mga sundalo.
Naghihintay aniya ang AFP sa verdict ng korte para sa kasong ito.
Giit ni Arevalo, kasama ng mga naulila ng apat na sundalo ang AFP sa paghangad ng hustisya sa kanilang pagkamatay.
Sinabi pa ni Arevalo na laging hangad ng pamunuan ng AFP na mapabuti ang kapakanan ng mga sundalo sa kabila nang patuloy nilang pagbuwis ng buhay para matupad ang kanilang misyon.