Magpapatupad ng temporary ban si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga turista na galing Wuhan City.
Ayon kay Senator Bong Go, pumayag ang pangulo na magpatupad ng temprary travel ban para sa mga galing Wuhan City at iba pang bahagi ng Hubei Province.
Sinabi ni Go na binanggit niya ang isyu sa pangulo para maiwasan na ang paglaganap pa ng novel coronavirus sa Pilipinas.
“Nais ko pong ipaalam sa publiko na nakausap ko po si Pangulong Rodrigo Duterte kanina at inirekomenda ko ang pag-impose ng temporary travel ban upang maprotektahan ang ating mga kababayan sa pagkalat ng Coronavirus. Sang-ayon po si Pangulo na iimplementa ang temporary travel ban sa mga manggagaling mula Wuhan city and the entire Hubei province ng China.” Saad ni Go.
Ang Wuhan City ang sentro ng outbreak ng sakit sa China.
Lumaganap na din ito sa iba pang bahagi ng Hubei Province.
Ayon pa kay Go, pinag-aaralan na rin ng pamahalaaan ang posibleng pagpapatupad ng travel restrictions sa mga biyahero na galing sa iba pang mga bansang apektado na ng sakit.
Nagpatawag aniya ng pulong si Pangulong Duterte sa mga medical expert at mga opisyal ng gobyerno at gagawin ito sa susunod na linggo.
Excerpt: Pinag-aaralan na rin ng pamahalaaan ang posibleng pagpapatupad ng travel restrictions sa mga biyahero na galing sa iba pang mga bansang apektado na ng sakit.