Tiwala si Senator Francis Tolentino na hindi makakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sakaling tumanggi ang ating gobyerno na papasukin sa bansa ang mga Afghan national na magpoproseso ng kanilang US visa.
Matatandaang may ilang sektor ang nangangamba sa hiling ng US sa Pilipinas na temporary housing para sa mga Afghan special immigrants dahil sa posibilidad na atakihin ang mga ito, mahaluan ng mga terorista sa pagpasok ng bansa at mabuhay ang mga Taliban sympathizers sa Mindanao.
Ayon kay Tolentino, wala naman siyang nakikitang dahilan na kung sakaling tanggihan ng Pilipinas ang pagtanggap sa mga Afghan nationals ay makakaapekto ito sa relasyon ng dalawang bansa.
Aniya pa, kung iyon ang magiging desisyon ay tiyak namang mauunawaan ng US na sa ganitong panahon na bumabangon pa lang lahat sa pandemya ay hindi basta tumatanggap ng mga dayuhan ang bansa.
Sa ngayon aniya ay hintayin muna ang magiging desisyon dito ni Pangulong Bongbong Marcos kung tatanggapin o hindi ang mga Afghan special immigrant.
Pero paalala ni Tolentino, dahil ang Pilipinas ay isa sa signatory ng United Nations Declaration of Human Rights ay katungkulan nating tumulong kasama ng 193 na bansa na umakto sa mga ganitong sitwasyon na may bansang nangangailangan ng tulong.