Relasyon ng Pilipinas sa China, hindi ikokonsidera sa pagbili ng COVID-19 vaccine

Kumbinsido si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na walang kinalaman ang relasyon ng administrasyon sa China sakaling mas paboran ng mga kinauukulang ahensiya ang Sinovac vaccine laban sa COVID-19.

Tugon ito ni Go sa mga nagtatanong kung bakit tila mas pabor ang pamahalaan sa Sinovac ng China gayung mas mahal ito at may isyu pa ang bansa sa China dahil sa usapin ng West Philippine Sea.

Ipinaliwanag ni Go na dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19 ay hindi dapat isyu kung saan manggagaling ang bakunang bibilhin ng bansa basta dapat ay safe at effective ito.


Naniniwala si Go na kahit anong bansa ngayon ay hindi na magiging isyu kung saan makakakuha ng ligtas at epektibong bakuna dahil hinahabol ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Binigyang-diin ni Go na ang mahalaga ay hindi mahuhuli ang bansa na magkaroon ng bakuna kung saan uunahing bigyan ng libre ang mga mahihirap, gayundin ang mga vulnerable sector tulad ng mga healthcare workers, mga sundalo, mga pulis at mga guro.

Facebook Comments