Relief goods at iba pang kailangang suporta, dapat nakahanda na kasunod ng pagtaas ng alert level ng Bulkang Mayon

Hiniling ni Albay, 2nd District Representative Joey Salceda sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na ihanda na ang kailangang resources tulad ng relief supplies at iba pang emergency support kaugnay sa tumitinding aktibidad ng Bulkang Mayon.

Laman ito ng liham na ipinadala ni Salceda kay DSWD Secretary Erwin Tulfo makaraang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa Level 2 ang alerto sa Mayon Volcano.

Kasama rin sa apela ni Salceda kay Secretary Tulfo ang paghahanda sa pangmatagalang evacuations at pag-mobilize ng tulong para sa mga maaapektuhan.


Tiwala naman si Salceda na sa ilalim ng pamumuno ni Tulfo ay kayang-kaya ng DSWD ang sapat na paghahanda katulad ng ginawa nitong preparasyon sa mga nakaraang kalamidad.

Binanggit ni Salceda na palagi namang nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Albay sa ganitong sitwasyon pero kailangan pa rin nila ang tulong mula sa national government dahil sa laki ng pinsala na maaring idulot sakaling tuluyang mag-alburoto ang bulkan.

Facebook Comments