Relief goods na tuna, ipinapa-recall ng DSWD

Pinapa-recall na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng family food packs na may Ocean’s Best Tuna.

Ito’y matapos ireklamo ng mga residente ng Oriental Mindoro na apektado ng oil spill dahil sa mabahong amoy at kakaibang lasa na umano’y expired na.

Sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Romel Lopez, pinagpapaliwanag na rin nila ang manufacturer nito nang ireklamo ng mga residente ng Calapan City, Oriental Mindoro na hindi makain ang delatang tuna na kabilang sa kanilang relief goods.


Ayon sa DSWD, nakakalungkot umano na ang Ocean’s Best Tuna, isa sa items na kasama sa Family Food Packs (FFP) nila, ay naging paksa ng maraming reklamo mula sa mga tumatanggap o benepisyaryo ng FFP

Idinagdag nito na mahalagang tandaan na ang mga de-latang tuna ay hindi expired gaya ng makikita sa mga sample na ipinakita sa social media.

Ayon kay Lopez, inutusan na ni Gatchalian ang Central Office na makipag-usap sa supplier ng Ocean’s Best Tuna para sa pagpapalit bunsod maraming reklamo sa mga rehiyon.

Inatasan din aniya ng kalihim ang mga kinauukulang opisyal na pag-aralan ang lahat ng opsyon kabilang ang mga parusa sa supplier, pagpigil sa pagbabayad at maging ang pag-blacklist sa listahan ng mga accredited na supplier.

Facebook Comments