*Cauayan City, Isabela*- Inihahanda na ngayon ang mga relief packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 para ipamigay sa mga LGU na siyang maghahatid sa bawat barangay na kanilang nasasakupan.
Ayon kay Division Head Franco Lopez ng Disaster Management ng DSWD, ito ay nakahanda na at ipapamahagi na anumang araw mula ngayon sa tulong na rin ng mga militar at kapulisan.
Ito ay bahagi aniya ng direktiba ni Pangulong Duterte na tulungan ang lahat ng pamilya na walang kakayahang makabili ng pagkain para sa kanilang pang-araw-araw habang umiiral ang ‘enhanced community quarantine’ sa buong Luzon.
Sinabi pa ni Lopez na target ng kanilang ahensya na mabigyan ang tinatayang nasa mahigit 100,000 pamilya sa buong Lambak ng Cagayan.
Batay sa datos, target nilang mabigyan ang nasa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction ng kanilang ahensya.
Panawagan naman nito sa publiko na mangyaring pairalin ang social distancing sa kabila ng paglobo ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.