Kinumpirma ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi pa pahihintulutan mula sa June 1 ang religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) tulad ng National Capital Region (NCR).
Ayon kay Justice Secretary Guevarra, magkakaroon pa ng dayalogo sa Lunes sa pagitan ng Inter-Agency Task Force (IATF), religious sector at ng mga kinatawan ng Local Government Units (LGUs).
Sa Lunes din aniya magkakaroon ng final resolution sa nasabing usapin.
Sa kabilang dako, papayagan na ang religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) epektibo sa Lunes.
Gayunman, sinabi ni Guevarra na ang pahihintulutan lamang ay ang 50% na capacity ng simbahan.
Sa ginawang dayalogo sa religious sector, naglatag ng health protocols ang mga lider ng nasabing sektor hinggil sa pagdaraos ng religious activities.