Welcome para sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pag-iisyu ng cease and desist order ng Securities and Exchange Commission laban sa isang religious society foundation sa Mindanao na inaakusahan ang founder na utak ng pagpaslang sa broadcast journalist sa Kidapawan noong 2019.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez, lumalabas din na walang pahintulot mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang ginagawa ng Humanitarian and Spiritual Mission Apostulates of Davao and Asia, Inc.
Isa si Dante Encarnacion Tabusares na kilala rin bilang Ralph Jimmy Gayatin sa opisyal at incorporator nito kung saan tinukoy rin niya ang sarili bilang bishop at president nito.
Siya rin ang itinuturong utak sa pagpatay sa broadcaster na si Eduardo Dizon na nangyari noong July 10, 2019 kung saan ipinag-utos daw niya ito dahil sa pagbatikos sa kontrobersyal na KAPA Community Ministry kung saan bahagi rin si Tabusares.
Ipinasara ng SEC ang KAPA noong 2019 dahil sa pagiging investment scam habang napatay si Dizon ilang linggo lamang matapos nito.
Naaresto ang gunman sa pamamaslang na si Junell Gerozaha sa Makilala, Cotabato nito lamang ikalawa ng Mayo.