Relokasyon para sa mga inilikas dahil sa Taal eruption, hindi pa napopondohan

Sa budget hearing ng Senado ay inihayag ni National Housing Authority o NHA General Manager Marcelino Escalada Jr. na wala pa silang natanggap na pondo ngayong taon at wala rin para sa susunod na taon para sa relokasyon ng mga nawalan ng tirahan dahil sa pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas noong Enero.

Ayon kay Escalada, dahil sa kawalan ng pondo ay binuksan na lang nila para sa Taal evacuees ang 10,000 available na NHA housing units sa lalawigan ng Batangas, Cavite at Laguna.

Diin pa ni Escalada, wala silang pantulong sa mga nasiraan ng bahay dahil sa bulkan at iba pang kalamidad dahil hindi pa pinapabigay ng Department of Budget and Management (DBM) ang ₱1 bilyon para sa kanilang emergency housing assistance program.


Base sa report ni Housing Secretary at Task Force Taal Rehabilitation Chairman Eduardo del Rosario, 2,600 ang nawasak na mga bahay dahil sa Taal eruption, habang 14,565 naman ang partially damaged.

Samantala, iginiit naman ni Senador Francis Tolentino na dapat ng pag-isahin ang mga pondong may kinalaman sa pabahay sa ilalim ng Department of Human Settlement and Urban Development.

Mungkahi ito ni Tolentino, makaraang lumabas sa pagdinig na ₱25.1 bilyong pondo na may kinalaman sa pabahay ang nasa ilalim ng iba’t ibang ahensya.

Sinuportahan naman ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon ang panukala ni Tolentino at hinimok si Del Rosario na makipag-ugnayan sa mga iba’t ibang ahensya na meron ding alokasyon para sa pondong pabahay.

Facebook Comments