Tiniyak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na pag-aaralan ng kanyang tanggapan ang merito ng mga kasong ‘kidnap for ransom’ (KFR) na nakasampa sa kanyang tanggapan kabilang na ang isang reklamo na idinulog sa DOJ halos anim na buwan na ang nakaraan.
Ito ang naging pagtitiyak ni Remulla matapos malaman na “tahimik” na sinusundan ng Fil-Chinese community ang reklamo dahil mayroon pa umanong ibang nabiktima sa kanilang hanay ang nasasakdal.
BIKTIMA
Nabatid na unang isinampa ng umano’y kidnap victim na si alias ‘Eric’ ang reklamo noon pang Hulyo 7, 2023 kung saan sasalaysay nito, Agosto 19, 2022 nang biglang dumating ang mga armadong kalalakihan habang nagbabakasyon siya sa isang beach resort sa Batangas kasama ang kanyang drayber.
Sapilitan silang isinama ng grupo gamit ang luxury van ng biktima saka dinala sa isang istasyon ng pulis sa Taguig City matapos mabulilyaso ang bayaran ng P2 milyon na hiningi ng mga suspek kapalit ng kanyang kalayaan.
Sa presinto na nalaman ng biktima na ang mga tumangay sa kanila ay mga kagawad ng PNP at sa nasabing himpilan na rin umano nadiskibre ni Eric na ang nasa likod nito ay ang kanyang business partner sa operasyon ng online gaming (POGO) na si ‘Linjin’ na kilala rin umano bilang ‘RL’ sa Fil-Chinese community.
Bukod sa pagbibigay kay RL ng kanyang shares of stock sa kanilang POGO business, nagawa rin ng kanyang kapatid na si Tony na maibigay ang P100 milyon kay RL matapos mangutang sa kanilang mga kaibigan noong Setyembre 7, 2022.
Ganap namang nakalaya si Eric sa pagkakulong na inabot ng 25 araw pero hiningan umano siya ng P300,000.00 ng mga pulis para sa kanyang “accommodation” bago tuluyang pinakawalan.
Umabot ng halos isang taon bago naka-recover si Eric sa sinapit na trauma at naglakas ng loob na magsampa ng reklamo sa DOJ.
Sakaling mapatunayan sa korte, ang insidente ay isasama bilang isa sa mga unang kaso ng kidnap for ransom sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.