Sa gitna ng umiiral na general community quarantine sa lalawigan ng Cavite, nanawagan si Governor Jonvic Remulla sa national government na payagan ang angkas sa motorsiklo para sa mga mag-asawa.
Sa Facebook post ng gobernador, makikita ang isang liham para sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging chairman, Health secretary Francisco Duque tungkol sa kanyang hiling sa ngalan ng Caviteños.
“Noong nalagay sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang aming lalawigan, marami sa mga pabrika at industrial locators ang nagpatigil ng kanilang shuttle services,” saad ni Remulla.
Dagdag niya, “Mayroon din po silang mga gastusin na kailangan isaalang-alang, at kanilang iniisip mayroon ng pampublikong transportasyon ngayong panahon ng GCQ, subalit hindi po ito ang sitwasyon ngayon.”
Iginiit din ng gobernador na kanya umanong naiintindihan na ang naturang polisiya ay may scientific basis dahil sa maaaring mas mabilis na pagkalat ng COVID-19.
Aniya ay tama lang na ipagbawal ang mga malapitan at dikitan sa kasulukuyang sitwasyon.
Ngunit panawagan niya, “Ang nais ko pong idulog ay mapayagan ang backriding sa kaso ng mga mag-asawa at nagsasama.”
Ayon kay Remulla, batid ng lahat na ang mga mag-asawa ay lagi namang nagkakasama.
“Sila po ay natutulog sa iisang kama, kumakain sa iisang mesa, naghahati sa iisang mangkok ng kanin at nagpapasa ng ulam nang naka-kamay. Ganito po ang buhay dito at sa buong bansa,” saad nito.
Sana raw ay payagan silang sumakay sa iisang motorsiklo dahil hindi naman daw ito naiiba sa mga mag-asawang nakasakay sa de-aircon na sasakyan.
Para raw maisagawa ito ng mas maayos, magkakaroon ang lalawigan ng “Couples Pass” na maaari rin umanong mapatunayan sa mga checkpoint sa pamamagitan ng marriage contract.
“Para sa marami ang polisiyang ito lamang ang humahadlang para sila ay makabalik sa trabaho,” pahabol pa ng gobernador.
Nakasaad din sa sulat na mayroong higit-kumulang 400,000 motorsiklong tumatakbo sa Cavite bilang ito raw ay isa sa pangunahing paraan ng transportasyon sa lalawigan.
Binigyang-diin din ni Remulla ang pagpapatigil sa mga pampasaherong sasakyan mula nang magsimula ang quarantine dahil sa pandemic.
“Kung tayo po sa gobyerno ay hindi sila kayang alagaan nang husto sa gitna ng krisis na ito, siguro ay kaya natin bawasan man lamang ang kanilang paghihirap sa pamamagitan ng pagpayag na sila ay makabiyahe nang matiwasay at nang magkasama,” saad niya.