Inilunsad ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang online portal nito para sa pagsisimula ng mandatory online registration para sa lahat ng sasakyan sa buong bansa.
Pinangunahan mismo ni LTO Chief Jay Art Tugade ang pagsisimula ng online MV registration renewal kung saan anim na hakbang lamang ang gagawin ng mga nais gumamit ng transaksyon.
Paliwanag ni Tugade na ang sinumang nais mag-renew ng sasakyan, kailangan munang kumuha ng MV certificate of coverage sa insurance company na nais nila.
Dagdag pa ni Tugade na kailangan din magtungo muna sa private motor vehicle inspection center para masuri ang road worthiness ng sasakyan.
Ipapasok ng isang aplikante ng renewal ng rehistro ang mga nabanggit na dokumento sa system ng LTO para sa pagproseso nito.
Sa online portal, doon na rin magbabayad sa pamamagitan ng mga partner money remittance.
Matapos makapagbayad sa online, agad ipapadala ng LTO ang official reciept ng aplikante at doon ay mairehistro na ang sasakyan.
Giit pa ni Tugade, ginawa nila ang online motor vehicle registration renewal upang hindi na magtungo sa mga district office ng LTO ang mga tao at maiwasan ang anumang pamemeke ng mga dokumento.