Rental subsidy para sa mga informal settler family, lusot na sa Kamara

Pasado na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8736 na magbibigay ng subsidiya para sa renta o upa ng Informal Settler Families (ISFs).

Sa botong 189 na sang-ayon at anim na tutol ay nakalusot sa third and final reading ang “Rental Housing Subsidy Program Act” na bubuo ng isang rental housing subsidy program para sa ISFs.

Layunin ng panukala na mabigyan ng gobyerno ng social protection at suporta ang mga informal settler na makakuha ng disenteng tirahan.


Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng buwanang rental subsidy na P3,500 ang mga kwalipikadong informal settler family na nakatira sa Metro Manila.

Ang ISFs naman sa ibang rehiyon ay mabibigyan din ng rental subsidy depende sa rate na madedetermina ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) at National Economic Development Authority (NEDA).

Maaari ding makapasok sa programa ang mga ISF na biktima ng kalamidad gayundin ang mga maaapektuhan ng mga itatayong government national projects.

Tinukoy ang informal settlers na mga pamilyang nakatira sa mga pribado o pampublikong lupa nang walang pahintulot ng may-ari gayundin ang mga nakatira sa estero, riles, dumpsites, tabing ilog at waterways.

Facebook Comments